Make your own free website on Tripod.com
KULTURA
January 22, 1998
home Ang Daigdig Ayon sa Tilaok ng Tandang
Bismarck Tandoc
Lubos at walang kaparis ang pagkalinga ng aking lolo sa kanyang kinahuhumalingang tandang. Natatandaan ko noon, bago pa man pumutok ang araw sa silanganan, nagbabaga na ang maitim na tabako mula sa kanyang mabahong bunganga. Pagkatapos hithitin ang tabako nang pagkalalim-lalim, makikitang pumapaimbulog sa kanyang mukha ang usok na parang mga alon na hahalik sa pisngi ng tandang. Hindi na alintana ng aking lola ang pagkahumaling ng lolo ko sa kanyang tandang. Ayon sa kanya, mas mahaba pa raw ang mga panahon na nilalagi ng kanyang asawa sa kanyang manok kaysa mga oras na sama-sama nilang ginugol sa kanilang sira-sirang kama.

Naiintindihan marahil ng lola na ang kasaysayan ng pagkahumaling sa tandang ay di hamak na mas matanda kaysa sa mga pinagdugtong-dugtong na edad ng mga ninuno nila ng aking lolo.

Bago pa man dumaong ang mga barko ng Kastila sa ating baybayin, ang sabong ay bahagi na ng katutubong kultura. Ayon kay Pigafetta, mananalaysay at taga-ulat, halos lahat ng mga bahay na kanilang nakita nang sila ay mapadpad sa Palawan ay may alagang tandang. Sinasabing ang mga ito ay hindi inaalagaan para iulam. Katunayan, malaking respeto ang ibinibigay ng mga katutubo sa tandang sapagkat pinaniniwalaang simbolo ito ng katapangan at kagitingan. Kaya kung minsan'y pinag-aaway ang mga tandang ng kanilang may-ari. Sa labanan, may halong taya na mapupunta sa nag-aalaga sa nanalong manok.

Nagpatuloy ito hanggang panahong kolonyal at naging karagdagang kita na rin ng gobyernong Kastila. Liban dito, nagkamit ng ideolohikal na gamit ang sabong dahil sinasabing ginamit ng mga Kastila ang sabong upang libangin ang mga indio nang sa gayo'y hindi sila makapag-isip na mag-alsa. Subalit hindi nagustuhan ng simbahang Katoliko ang labis na pagkahumaling ng mga indio sa sabong. Ayon sa mga prayle, nakakaligtaan na ng mga nakararaming indio ang pagdalo sa misa tuwing Linggo. Magpahanggang ngayon, kalimita'y isinasagawa rin ang pagsasabong tuwing linggo ng hapon.

Sa librong Philippine Cockfighting Stories ni Nid Anima, may kwento ukol sa pagkabigo ng mga prayle na ilayo ang mga indio mula sa kanilang kinagigiliwang laro. Mababasa sa kwento ang argumento ng pari't sabungero tungkol sa kasamaan o kabutihan na dulot ng pagsasabong. Samantala, matatandaang kahit si Jose Rizal ay hindi nakaiwas na bigyang pansin ang pagsasabong. Katunayan sa librong Noli Me Tangere, gumawa siya ng isang satirikong salaysay ukol sa madalas na pagsasabong ni Kapitan Tiyago.

Ang sabong ay maihahalintulad sa tradisyon ng mga Romano na pag-awayin ang mga alipin. Sapagkat sa loob ng sabungan, makikitang sabik na naghihintay ang mga sabungero na maumpisahan ang labanang madugo. Kung para sa mga Romano'y mayroong Coliseum, para sa mga sabungero sa probinsiya'y may mga puno upang matanaw ang sagupaan ng mga tandang. Dadagundong ang mga ingay kapag nagsimula na ang tayaan. Samantala, ginagamit ng sabungero ang iba't-ibang senyas ng kanilang kamay at mga daliri para maihatid ang kanilang taya sa isang tao na tinatawag nilang kristo. Pinangalanan siyang kristo dahil tumatayo siyang tawiran ng mga taya para sa laban. Maaaring maiuugat ito sa paniniwala na si Hesukristo, ayon sa Judeo-Kristyanong tradisyon, ang daan ng tao para mapalapit sa kanyang Ama.

Kasabay ng pagbalasa ng mga senyas ng kanilang mga kamay ay ang mga nakatutulig na sigaw ng mga sabungero para sa tatayaang manok. Mamimili sila mula sa tandang na llamado, ang tandang na nakahihigit ang taya, o dehado, ang manok na kulang sa taya. Hindi humihinto ang pagtataya hangga't di pumapantay ang taya ng dehado sa llamado.

Madalas ay naaapektuhan ang pagpusta sa pagkallamado at pagkadehado ng tandang. Nahihimok tumaya ang sabungero sa llamado dahil pinaniniwalaang malakas ito dahil malaki ang itinaya ng may-ari nito.Samantala, may mga sabungero ring tumataya sa dehado. Iniisip ng sabungero na baka palarin ang dehado na manalo sa laban.

Mata sa mata, naghihintay ng tamang pagkakataon ang bawat tandang para umatake. Tatalon ang mga ito at magpapalitan ng nakakamatay na sipa. Sa bawat pagkampay ng mga pakpak at pagtadyak ng paa ng manok ay matatanto ang hangaring patayin ang kalaban. Hindi tumitigil sa pakikipaglaban ang tandang kahit ito'y sugatan. Matatapos lamang ang laban kapag ang isa ay namatay o tumakbo.

Gayundin, naniniwala ang mga sabungero na likas sa isang tandang ang katapangan sa pakikipaglaban. Katunayan, isang karangalan para sa tandang, suot-suot ang kanyang armas na tari, ang mamatay na nakikipaglaban.

Hindi maikakaila na ang sabong ay larong tinabas para sa mga kalalakihan. Kaakibat nito ang paniniwala na nasusukat ang pagkalalaki sa lakas ng pangangatawan at kagalingan sa laban. At ang pagkatalo, itinuturing bilang kahinaan.

Bihirang makita ang mga babae sa loob ng sabungan. Kung meron man, ang mga ito ay kadalasang nagbebenta ng isda, balut o tsitsirya o di kaya'y nagpapatakbo ng mga karinderya na nakapalibot sa sabungan. Gayunpaman, may ibang sabungerong nagsasama ng babae sa tuwing sila ay tataya pagka't tingin nila ay nagbibigay ito ng suwerte.

Sa kabilang banda, may paniniwala ang mga sabungero hinggil sa pag-aalaga ng mga tandang. Kung maaari, ayaw nilang ipahimas o ipahawak ang kanilang mga alaga sa babae dahil pinaniniwalaang idudulot nito ang panghihina ng katawan ng tandang. Sinasalamin ang ganitong pagtatambal-tambal sa pag-iwas ng mga manlalaro na makipagtalik kapag nalalapit na ang laro. Para sa kanila, ang pakikipagtalik ay umuubos sa enerhiya na kailangan para sa labanan. Sa patriyarkal na kalakaran ng mga bagay-bagay, tinitingnan ang babae bilang personipikasyon ng kahinaan. Tila bagang balon na hihigop sa mga pwersa na nagmumula sa naghuhumindig na pagkalalaki. Mapapansin sa larong ito ang pagbalangkas sa kahalagahan na kaakibat ng kasarian: ang babae bilang piping tagapagmasid at ang lalaki bilang mabalasik na tagagawa.

Sa pagsasabong, mahihinuha na malakas ang konsepto ng pakipagkapwa sa pamamagitan ng pakikisama. Parang isang malaking krimen ang tumaya sa manok na kalaban ng kamag-anak o kaibigan. At kung maiipit man ito sa dalawang kaibigan, mas gugustuhin pa nitong hindi na lang tumaya. Karamay ang mga kaibigan sa bawat panalo o pagkatalo. Mula rito ay malinaw na ipinapakita ang mapanganib subalit nakakatiyak sa kaligtasan na idinudulot ng kapwa. Hindi nakapagtataka kung bakit talamak ang nepotismo dahil na rin sa paniniwalang nabanggit. Paniniwala na bumabagtas lamang sa katapatan na nababatay sa dugo at pagkakilanlan.

Minsan, nasambit ng aking lola na naging kasinlaki na raw ng utak ng manok ang talino ng aking lolo.

Magkahalong tuwa at pagkabagabag ang aking nadama. Ngunit may butil ng katotohanan sa sinabi ng aking lola. Kadalasan, mas nananaisin pa ng iilan, tulad ng aking lolo, na mabuhay at mamatay sa ligayang dulot ng utak na hiram mula sa tandang.


News Features Kultura Opinion Editorial Artwork